The Virtual Sketchbook

Being
The
Repository
Of
My
Creative
Ideas

Tuesday, July 28, 2009

Haraya Sa Isla Boracay (written many summers ago when the island was still beautifully pristine)




Haraya Sa Isla Boracay

Labis akong nirarahuyo
Ng alindog mong taglay.
Naparito akong naghahangad
Arukin ang iyong kalikasan.

Mula sa niyugan ng dalampasigan,
Hubo't hubad akong lumalakad.
Hinay-hinay.
Nililigis ng aking mga yapak
Ang iyong puting buhanginan.
Nag-iiwan ng malalambot na bakas
Na masuyong dinarampian
Ng mga alon mong maligamgam;
At muli't muling hinahagkan
Hanggang maglaho
Sa mga bulang nagtitilamsikan.

Marahan.
Lumulusong ako nang marahan.
Dinarama ko ang malahininga mong paghaplos
Sa aking talampakan,
Sa pagitan ng mga daliri,
Sa bukung-bukong.
Nauunawaan kong nais mong banyusan,
Dampian ng iyong buhok
Na malaon nang babad
Sa walang-bangong tubig-alat
Ang katauhan kong nag-aapoy sa pagnanasa.
Mula sa paa.
At sa aking mga binti
Pumupulupot ang mga basang hibla
Ng alun-alon mong buhok.
Hindi ako makatinag
Sa higpit ng iyong pangungunyapit
Sa aking mga hita.
At sa magiliw mong paghagod sa aking kapusukan,
Gumagapang ang kilabot
Sa aking balat na nadadarang.
Sumisingaw ang mga butil ng pawis.
Dumadaloy, naglalandas
Sa lahat ng umbok, uka, at usli
Ng aking katawan.
Tumutulo, sumasanib
Sa alat ng iyong karagatang
Buong timyas na sinisimsim ng hangin.

Maalinsangan ang habyog ng hangin.
Lalong pumipilantik ang indayog
Ng alon mong pumipilansik sa kalawakan.
Waring nais sabuyan at paliguan
Ang tirik na araw
Na naghuhumindig sa kalangitan.
Nagliliyab ang dilang-silahis ng araw
Na dumarapo sa iyong karagatang
Kumikinang sa banayad na labusaw
Ng iyong pagtatampisaw.

Isang pigil-hiningang bulusok.
At sinisisid ko ang bughaw mong karagatan.
Malasutlang lagaslas ang hagod
Ng iyong pagsalubong
Sa pailalim kong paglangoy
Patungo sa nagkikislutang kulay
Sa pusod ng iyong bukal
Na tila batu-balaning humihigop
Sa aking kapusukan.

Isang nag-uumigting na pagtadyak.
Isang makaubos-lakas na pagkampay.
At sa isang kisapmata'y nagkislapan
Ang isang libo't isang perlas
Sa sinapupunan ng iyong karagatan.

Di-malirip na kaligayahan
Ang mahigpit mong pagyakap
Sa naglulunoy kong kamalayang
Lumulutang sa kalawakan
Sa saliw ng alon mong umiimbay.
Sumasanib ka sa aking katauhan
Habang nilalagok ng aking gunam-gunam
Ang sanlaksang haraya
Ng samu't saring halamang-dagat,
Korales, isda, kabibe,
At bulaklak ng batuhan
Na malamyos na kumikiwal-kiwal
Sa hardin ng iyong karagatan.

Binihag mo ang aking kamalayan.
Ayaw ko nang mawalay
Sa lunday ng iyong kagandahan.

No comments:

Post a Comment